48

Jun 3, 2020 @ 18:56
By

Montero ni Ken Chan binangga, 2 sugatan

Malubhang nasugatan ang driver at pahinante ng L300 van nang aksidenteng mabangga ang Mitsubishi Montero ni GMA Artist Ken Steven Chan sa Quezon City, nitong Miyerkoles ng hapon.

Sa inisyal na imbestigasyon ni P/Staff Sgt Joel Aviso, ng Traffic Sector 4 ng Quezon City Police District, dakong alas-2:30 ng hapon (June 3) nang maganap ang aksidente sa intersection ng Timog Avenue at Panay Avenue, Brgy. South Triangle, QC.

Agad namang dinala sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang mga sugatan na sina Benjamin Muyrong Jr, driver ng Mitsubishi L300 Van, nakatira sa Cubao, QC at pahinante na si Enrique Acutayan.

Batay sa report, sakay ng puting Mitsubishi Montero si Chan at papauwi na sa kanilang bahay mula sa shooting na pinuntahan nito nang banggain ang likurang bahagi ng kanyang sasakyan na minamaneho ni Muyrong.

Sa lakas ng impact, naipit ang driver ng L300 van kung saan ilang minuto rin ang tinagal bago ito maalis sa pagkakaipit habang sugatan naman ang sakay nito na nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang parte ng katawan.

Ayon Chan, laking gulat na lamang niya na may kulabog sa likurang bahagi ng kanyang sasakyan at nang siya ay bumaba ay nakita nito na nabangga siya ng L300 na yupi na ang harapan at naipit ang driver nito.

“Naawa ako kay manong alam ko may katandaan na siya, hirap na hirap siya habang tinutulungan na maalis sa pagkakaipit, nakita ko namamaga ang dibdib niya dahil sa natamong pinsala” ayon kay Chan.

Nabatid na unang araw pa lamang na lumabas ng bahay si Chan mula nang ipinatupad ang quarantine dahil meron itong shooting na kailangang puntahan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?