26

Jan 5, 2022 @ 19:01
By

Monsour: Sports hindi usapang pera

Ikinalungkot ni dating taekwondo champion at senatorial bet Monsour del Rosario ang hidwaan sa pagitan ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) at ni Olympian EJ Obiena.

“Bilang isang atleta at dating Olympian, nakakalungkot po ang nakikita kong hidwaan sa pagitan ni Philip Juico at EJ Obiena. Nakakalungkot kasi ang sports ay mas malaki kaysa sa usapang pera. Internal problem po ito na dapat ay hindi na lumaki,” pahayag ni Del Rosario.

“Noong ako po ay nagti-train para sa sports na taekwondo, alam ko po ang aking trabaho — matulog, kumain, mag-ensayo at sa oras na itinakda – magpakitang-gilas sa buong mundo. Hindi ko po kinailangang problemahin ang accounting — trabaho po iyan ng isang administrador o ng aking coach,” dagdag niya.

Sa tingin ni Del Rosario, maraming namumuno sa sports ngayon na hindi kuwalipikado at ilan ay namumulitika lamang, kaya ang payo niya, isang atleta rin dapat ang iupo sa mga sports organization dahil batid ng mga ito kung ano ang kailangan ng mga kapwa niya manlalaro.

Pinayuhan din niya ang PATAFA at si Obiena na pag-usapan na lang ang isyu. Handa rin daw siyang bigyan ng payo si Obiena bilang nakatatandang kapatid at kapwa atleta.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?