84

Feb 19, 2020 @ 16:55
By

Monreal dumistansya sa pastillas modus sa NAIA

Dumistansiya ang pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa nabunyag na ‘pastillas scheme’ sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na kinasangkutan umano ng mga opisyal at tauhan ng Bureau of Immigration.

Sa economic press briefing sa Malacañang, sinabi ni MIAA General Manager Ed Monreal na wala silang partisipasyon sa pastillas scheme kung saan pinagkakuwartahan umano ng ilang Immigration official at empleyado ng mga ito ang mga Chinese na dumarating sa bansa.

Sinabi ni Monreal na tagapangasiwa lamang sila sa NAIA at wala silang kinalaman sa mga ginagawa at araw-araw na operasyon ng paliparan.

“Wala po kaming partisipasyon, kami lang po ang may-ari ng bahay. Hindi naman masabing puro taga-Bureau of Immigration lahat ang sangkot sa pastillas scheme. Sila ho kasi ang in-charge ng border of control. Kami ho sa paliparan, ang gagawin lang namin ay maayos ang kanilang tirahan. Pero yung boarder of control is basically from Customs, Immigration and Quarantine o CRQ,” ani Monreal.

Nalulungkot aniya ang opisyal sa pinagdadaanan ngayon ng pamunuan ng BI at umaasang maaayos din ito.

Batid ni Monreal na malaking pagsubok ito para sa mga BI official lalo pa at ayaw na ayaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na makarinig ng isyu ng katiwalian sa alinmang ahensiya ng pamahalaan.

“Kahit hindi kami directly involved, siyempre kami ay… we sympathize with the bureau. Sana maayos ito. Siguro may ginagawa na ang BI, hayaan na muna natin sila gumawa ng kung anong dapat gawin. Kung kailangan nilang imbestigahin, hintayin na lang natin sila,” dagdag pa ni Monreal.

Nakahanda naman aniya ang kanyang tanggapan na magbigay ng CCTV footage sa paliparan sakaling hingin ito ng Senado kaugnay sa ginagawang imbestigasyon sa nabunyag na pastillas scheme.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?