404

Aug 2, 2019 @ 16:27

Mon Tulfo kinasuhan ni Medialdea

Sinampahan ng kasong libel sa Department of Justice (DOJ) ni Executive Secretary Salvador Medialdea si Special Envoy to China Ramon Tulfo.

May kinalaman ito sa isinulat ni Tulfo sa kanyang column sa Manila Times kung saan sinabi nito na “benefactor” umano ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board Member Sandra Cam si Medialdea sa Malacañang at lahat umano ng member ng board ng PCSO ay nagre-report sa kalihim.

Ang libel complaint laban kay Tulfo ay inihain ni Medialdea sa DOJ noong Hulyo 17, 2019.

Sinabi ng kalihim na hindi niya isinapubliko ang pagsasampa ng libel case kay Tulfo at hinayaan lang niya itong magsalita.

Sinabi ni Medialdea na mayroon pa siyang ibang kasong isasampa laban kay Tulfo sa mga susunod na araw.

“He was the one who announced it. All I can say is there will be more coming,” ang maiksing sagot ni Medialdea.

May kinalaman ang dagdag na kaso sa  isinulat ni Tulfo sa kanyang column kung saan inakusahan nito si Medialdea na nangomisyon umano sa reward money ng isang informant ng Bureau of Customs na nag-tip ng smuggling operations sa Mariveles, Bataan.

Ayon pa sa column ni Tulfo, nakabinbin umano sa opisina ni Medialdea ang P272.07 million na reward money para sa tipster at isang Vianney Garol na nagpakilalang presidential consultant ang nagsabi na P72 milyon ang kompensasyon para sa pagproseso at release ng reward money na direkta umanong mapupunta kay Medialdea.

Hindi aniya binanggit ni Tulfo sa kanyang column na ang reward ay denied o hindi inaprubahan ng reward committee ng Department of Finance.

Mariing itinanggi ni Medialdea ang paratang ni Tulfo at sinabing hindi niya kilala ang nagpakilalang facilitator ng reward na gumamit at sumira ng kanyang pangalan.

Sumagot naman si Tulfo na nagsabing harassment lamang ang libel complaint na layong harangan ang kanyang karapatan bilang journalist. (aileen taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?