204

By

Mon Tulfo, Inquirer editors kinasuhan ng libel ni Aguirre

Sharing is caring!

Ipinagharap ni Dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre ng patung-patong na reklamong libelo ang kolumnistang si Ramon Tulfo, at ang mga opisyal at editor ng pahayagang Philippine Daily Inquirer (PDI) sa Manila Prosecutor’s Office.

Personal na inihain ni Aguirre ang 12 bilang ng reklamong cyberlibel na paglabag sa ilalim ng Republic Act No. 10175 at sampung bilang ng reklamong libelo na paglabag sa ilalim ng Revised Penal Code.

Bukod kay Tulfo, kasama sa kanyang inireklamo sina PDI Board of Chairperson Alexander Prieto-Romualdez, PDI President and CEO Alexandra Prieto-Romualdez, Inquirer Publications Chief Operating Officer Renato Reinoso, PDI Executive Editor Jose Ma. Nolasco, Opinion Editor Rosario Garcellano at apat na iba pa.

Nag-ugat ang reklamo sa serye ng mga column ni Tulfo na lumabas sa Philippine Daily Inquirer, Inquirer.net at maging sa pahayagang Bandera.

Kasama sa inirereklamo ni Aguirre ang pagtawag sa kanya ni Tulfo ng manhid sa isyu ng pagkamatay ng teenager na si Kian Delos Santos; panawagan ni Tulfo na humanap na ng papalit sa dating kalihim at paghilera sa kanya bilang isa sa mga opisyal kung saan nagkamali si Pangulong Duterte na inilagay sa pwesto.

Pinagbintangan din umano siya ni Tulfo na siya ang nagbawas ng isang libong piso mula sa P50 million na isinauli nina Dating Immigration Commissioner Argosino at Robles na nasangkot sa isyu ng diumano’y panunuhol ng negosyanteng si Jack Lam.

Dagdag pa ni Aguirre sa reklamo na tinawag din siya ni Tulfo na valedictorian sa kapalpakan.

Pinagdudahan at binatikos din umano ni Tulfo ang kanyang kapasidad bilang kalihim ng DOJ dahil sa kanyang pagpapahintulot na malagay si Janet Napoles sa provisional coverage noon ng Witness Protection Program.

Naniniwala si Aguirre na may bahid ng malisya ang aniya ay walang batayan at walang katotohanang paratang laban sa kanya ni Tulfo na ang layon lamang umano ay ang sirain ang kanyang reputasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?