307

By

Mommy ni Isabel, plano nang bumalik ng Spain

Sharing is caring!

Hindi pa alam ng ina ni Isabel Granada na si Mommy Guapa ang mga susunod niyang plano ngayong na-cremate na ang labi ng anak niya noong Linggo ng hapon.

Sa pakikipagtsikahan namin kay Mommy Guapa noong Biyernes ng gabi, sinabi nitong may plano siyang bumalik ng Spain lalo’t wala naman siyang kaanak dito sa ‘Pinas. Si Isabel na nag-iisang anak niya ay yumao na, kaya wala na raw dahilan para manatili pa siya nang matagal sa bansa.

Nakatira si Mommy Guapa sa isang subdivision sa Rizal na naipundar nila ni Isabel noong dalaga pa ito.

Sinabihan na raw siya ng mga kapatid na bumalik na ng Spain dahil naroon lahat ng kanyang immediate family. ‘Yun nga lang mabigat talaga sa loob ni Mommy Guapa na lisanin ang ‘Pinas lalo’t napamahal na sa kanya ang bansa.

Sabi pa nga niya, kapag umalis siya ng ‘Pinas siguradong iiyak na naman siya nang husto gaya ng pagluha niya nang mamatay si Isabel.

Isa lang ang ninanais ni Mommy Guapa, ang maipakilala ang apo sa mga kapatid niya sa Spain.

Gusto niyang dalhin ang binatilyong anak ni Isabel sa Spain lalo’t hindi pa ito nakakarating doon. Kuwento pa nga niya, namatay si Isabel nang hindi man lamang nito nakikita nang personal si Hubert.

Pero kung sakali mang aalis daw si Mommy Guapa ng ‘Pinas ninanais niyang bumalik uli dito.

Samantala, nag-comment si Jericho sa request ng ina ni Isabel tungkol sa kanyang anak at sa pagnanais nitong makarating ang apo sa Spain.

Wala raw problema kung sasama si Jericho. Matagal na raw nilang pinag-usapan ang posibilidad ng pagpapakilala ni Hubert sa mga kamag-anak ng lola niya sa Espanya.

Hindi raw hahadlang si Jericho sa nais ng kanyang dating biyenan pero kailangang sumama siya para makapamasyal.

Kahit hindi sabihin ni Jericho, natatakot rin siyang baka hindi na maibalik sa kanya ang anak kung aalis itong mag-isa kasama ng kanyang lola.

Tungkol naman sa anak ni Isabel, gusto rin pala nitong pumasok ng showbiz at mag-artista.

Sabi sa amin ng binatilyo, gusto raw niyang ipagpatuloy ang legacy ng ina niya sa pamamagitan ng pagpasok nito sa industriya.

Kung magkakaroon raw ito ng chance at opportunity kinukunsidera niyang mag-artista gaya ng kanyang ina.

Pasadong maging aktor ang anak ni Isabel dahil gaya ng sinabi ni Jericho, guwapo ang anak nito.

‘Yun nga lang, hindi marahil papayag si Jericho na gamitin ng anak niya ang apelyido ni Isabel lalo’t sa pangalan niya nakasunod ang name ni Hubert. (Rey Pumaloy)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?