14

Mar 5, 2021 @ 19:02
By

‘Module answer for sale’ iimbestigahan ng DepEd

Pinaiimbestigahan ng Department of Education (DepEd) ang ulat tungkol sa bentahan ng sagot sa mga module na bahagi ng distance learning system matapos ipagbawal ang face-to-face class dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio na bina-validate na nila ang mga sumbong na pagbebenta ng mga sagot sa module na ginagamit ng mga bata sa kanilang pag-aaral.

Iginiit ni San Antonio na hindi makakatulong sa pagtuturo ng katapatan kung mga magulang mismo ang bibili ng sagot o tutulong sa pagsagot sa mga modules ng mga estudyante.

“Yan po ay pinaiimbestigahan na natin. Maliwanag po sa simula’t simula na hindi puwedeng gawin ito kasi hindi makakatulong sa pagtuturo ng honesty, pagiging honest ng mga kabataang Pilipino,” ani San Antonio.

Nagbabala ang DepEd official sa mga guro na magbebenta ng sagot sa kanilang estudyante na mahaharap ang mga ito sa kasong administratibo at mapaparusahan.

“Kapag mapatunayan na ang isang guro ay nagbebenta ng sagot sa module na parang ang hirap ma-imagine, ay dadaan sa proseso ng administrative cases namin at mabibigyan ng angkop na kaparusahan,” dagdag ni San Antonio.

Lumabas sa pagdinig ng Senado na diumano’y may mga magulang na nagbabayad ng ibang tao para sagutan ang learning modules ng kanilang anak.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?