43

Oct 9, 2017 @ 16:26

Modified mall hours, weekdays lang – MMDA

Palabra de honor.

Ito na lang ang paiiralin ng mall operators sa pakikipagkasundo sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ukol sa modified mall hours.

Paglilinaw ni Celine Pialago, ang tagapagsalita ng MMDA, na walang obligasyon ang mall operators na sumunod sa kasunduan dahil wala naman pinirmahan memorandum of agreement.

Kasabay nito, nilinaw din ni Pialago na ang binagong oras ng pagbubukas at pagsasara ng malls ay ipatutupad mula Lunes hanggang Biyernes lang.

Dagdag pa nito  tinatayang 600 sasakyan ang mababawas sa mga lansangan kapag ipinatupad na ang bagong mall operating hours.

Banggit ni Pialago, ang bilang ay tuwing rush hour lang ngunit giit niya malaking tulong na ito lalo na sa kahabaan ng EDSA kung saan matatagpuan ang marami at malalaking malls sa Metro Manila.

Noong Biyernes, sa pakikipagpulong kay MMDA assistant general manager for planning Jojo Perez, ibinigay ng mall operators ang 100 porsiyentong suporta sa modified mall hours at anila hindi ito makakaapekto sa kanilang negosyo.

Ang plano, na magiging epektibo sa Oktubre 16 at magtatagal hanggang Enero, 2018, ay naisip ng MMDA para mabawasan ang pagsisikip ng mga lansangan sa Metro Manila ngayon nalalapit na ang Kapaskuhan.(Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?