37

Jul 29, 2021 @ 18:32
By

Modernong kulungan isinulong sa Kamara

Matapos pasinayaan ang kauna-unahang fully automated at state of the art city jail sa Mandaluyong, nanawagan ang isang solon sa Kongreso na maglaan ng pondo para dumami ang modernong kulungan sa bansa.

Ayon kay Deputy Speaker Neptali Gonzales II, lumabag man sa batas ang mga persons deprived of liberty (PDL) ay dapat pa ring silang bigyan ng makataong pagtrato.

Sa inilabas na ulat ng Human Rights Watch noong 2020 sinabi nito na ang 467 kulungan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ay may laman na 534% ng kapasidad nito samantalang ang 125 kulungan ng Bureau of Corrections (BuCor) ay may congestion rate na 310%.

Noong Martes ay pinasinayaan ng lokal na pamahalaan at BJMP ang kauna-unahang fully automated, modern at state-of-the-art na walong palapag na city jail sa Mandaluyong City.

“We hope that more of these facilities will be funded under the next year’s national budget,” sabi ni Gonzales. “Marapat din nating mapagtuunan ng pansin ang kalagayan ng ating mga kababayang nakapiit sa kulungan, na marami sa kanila ay nagkamali o nagkasala dahil sa matinding kahirapan.”

Ang P515 milyong city jail ay unang itinulak ni Mandaluyong City Rep. Queenie Gonzales noong 2018. Sinusugan ni Deputy Speaker Gonzales ang pagtatayo nito upang matapos.

Ang proyekto ay nasa ilalim ng Build, Build, Build program ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Mayroon itong “sunning area” sa roof deck, basketball court, at state-of-the-art na kusina at laundry facilities.

Ang Mandaluyong City ay may mahigit na 700 PDL na nakakulong sa gusali na ginawa para sa 170 indibiduwal.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?