112

By

Modernong jeepneys, ipapasada na ng ilang transport groups

Nangako ang iba’t ibang mga grupo ng transportasyon na maglalabas na sila ng mahigit tatlong libong units ng modernong mga jeepney sa susunod na tatlong buwan bilang pagsuporta sa isinusulong na Public Utility Vehicle Modernization Program(PUVMP) ng kasalukuyang administrasyon.

Ang ‘commitment’ sa pagitan ng transport groups at vehicle manufacturing companies ay senelyuhan sa paglagda ng memorandum of agreement (MOA) na isinagawa noong ika-15 ng Pebrero sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) main building sa Quezon City.

Sinaksihan ito ng mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr)sa pangunguna ni Undersecretary for Road Transport Thomas Orbos at ni LTFRB Chairman Martin DelgraIII.

Ayon kay Usec. Orbos, unti-unti nang magiging maayos ang pagbiyahe ng mga commuter sa mga susunod na buwan dahil sa pangako ng mga transport group at cooperatives na palitan ang mga luma na at kakarag-karag na nilang jeepneys ng mga modernong sasakyan.

Nangako naman ito na tutulong para pabilisin ang pagkuha ng mga requirement ng mga operator para agad na makabiyahe ang kanilang mga unit.

Sinabi naman ni LTFRB Chairman Delgra, na inihahanda na nila ang proseso para sa bagong ruta at pagbibigay ng prangkisa sa iba’t ibang transport operator.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?