73

Nov 21, 2021 @ 16:57
By

Modernisasyon ng PCG susi vs smuggling – Salceda

Nanawagan ang isang solon ng patuloy na modernisasyon sa Philippine Coast Guard (PCG) upang magamit sa paglaban sa smuggling.

Ayon kay House Committee on Ways and Means chairperson at Albay Rep. Joey Salceda, mayroong mga kargamento na nakakapasok sa bansa sa pamamagitan ng mga pribadong pantalan kaya nalulusutan nito ang pagbabayad ng tamang buwis.

Sinabi ni Salceda na mula 2010 hanggang 2020, tinatayang P657 bilyon ang nawalang kita sa gobyerno mula sa smuggling ng sigarilyo at produktong petrolyo.

“That is around two-thirds of our aggregate budget deficit for this year,” sabi ni Salceda.

Pinuri naman ni Salceda ang pagiging aktibo ng PCG at pakikipagtulungan nito sa Bureau of Customs (BOC), at Armed Forces of the Philippines (AFP), upang masawata ang iligal na pagpasok ng mga produkto sa bansa.

“It has thus far delivered, with shared intelligence leading to apprehension of smuggled goods – from cigarettes, to onions, to cars,” dagdag pa ni Salceda.

Dapat din umanong paigtingin ng PCG pagbabantay sa teritoryo ng bansa.

“The PCG is also the enforcer of maritime diplomacy and the first line of defense against intrusion and invasion. Anybody who has invested in real estate knows that possession is key to ownership, and the PCG’s ability to enforce Philippine possession over our maritime territories is critical,” sabi pa ng solon.

Bukod sa pagbili ng mga karagdagang sasakyang pandagat, sinabi ni Salceda na dapat lumahok ang PCG sa pagsasagawa ng joint exercise sa West Philippine Sea kasama ang ibang bansa sa ASEAN.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?