1,126

Nov 9, 2017 @ 18:19
By

Mocha Uson, sinermunan ni Poe

Hindi pinalagpas ni Senadora Grace Poe ang pambubuska ni Communications Assistant Secretary Mocha Uson sa mga media na nagko-cover sa mga aktibidad ni Pangulong Rodrigo Duterte at sa mga nagaganap sa Malacañang.

Sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on public information and mass media, na wala sa lugar at paglabag din sa diwa ng press freedom ang ginagawa ni Uson.

“The move to marginalize Rappler in its coverage of the Palace and to demand the legal authority of the Malacañang Press Corps to cover the President are both misplaced and inconsistent with the essence of press freedom and the people’s right to be informed of the President’s activities and pronouncements,” diin ni Poe.

Sinasalungat din aniya ni Uson ang karapatan ng publiko na malaman ang mga ginagawa at mga sinasabi ng Pangulo.
Nagsalita nito si Poe dahil sa pagkuwestiyon ni Uson sa legal authority ng Malacañang Press Corps na sumubaybay at mag-ulat ukol sa mga ginagawa ng Pangulo at kasunod din ng panggigitgit nito sa Rappler.

Pinaalalahanan ni Poe na kailangan ang malakas at independent press sa masiglang demokrasya.

Pinagsabihan din ni Poe ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) na kinabibilangan ni Uson na dapat itong maging bukas sa “objective and fair coverage” ng media bilang bahagi ng administrasyong Duterte na nagmamalaki na ang kauna-unahang executive order ay Freedom of Information (FOI) sa executive department.

Dapat aniyang tandaan ni Uson na kahit ang mga kritisismo na kanilang inaayawan ay kailangan kung gustong magkaroon ng bukas at transparent na gobyerno.

“We must remember that even criticism is necessary if we want an open and transparent government,” paalala pa ni Poe. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?