230

Nov 6, 2017 @ 17:05
By

Mocha Uson, gustong turuan ni Roque

Nais ni Presidential Spokesman Harry Roque na lektyuran si Presidential Communications Assistant Secretary Mocha Uson at ang mga Diehard Duterte Supporters (DDS) kaugnay sa mga banat sa mainstream media.

Sinabi kahapon ni Roque na nais niyang ipaliwanag ang kahalagahan ng media sa isang gobyerno at para malaman din ng DDS na hindi kalaban ang mga ito.

Hindi lingid sa Palasyo ang ginagawang pagkuyog , pagbabanta at pambabastos ng ilang DDS sa social media sa mga miyembro ng lehitimong media na hindi nila nagugustuhan.

“Nananawagan naman ako sa mga DDS… we will explain in a manner na maiintindihan ng lahat kung bakit importante ang karapatan ng malayang pamamahayag,” ang sabi ni Roque.

Nito lamang nakalipas na linggo ay naghain ng pormal na reklamo sa Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas ang isang miyembro ng Malacañang Press Corps matapos himukin ng DDS at blogger na si RJ Nieto sa isang radio interview si Roque na batuhin ng hollow block ang reporter na kritikal sa Duterte administration.

Sinabi ng kalihim na ipapaunawa niya kay Mocha at sa DDS na ang mga lehitimong media ang nagbunyag sa mga anomalya at kapalpakan ng mga nakalipas na administrasyon.

Nais ni Roque na dumalo rin si Mocha sa media briefings sa Palasyo at sana ay hindi nito masamain ang kanyang layunin dahil maganda ang intensiyon nito para sa kaayusan ng lahat.

“You know, I like her, she likes me. I will forever be a law professor and I will forever consider individuals as under my tutelage on important matters. So I hope Asec. Mocha will accept being a student of the spokesperson,” ang dagdag na pahayag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?