1,581

Aug 17, 2018 @ 10:03
By

Mocha, itsapwera sa PDP-Laban Senate slate

Initsapwera ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) si Communications Assistant Secretary Margaux “Mocha” Uson sa kanilang shortlist ng mga posibleng pambato sa Senado para sa nalalapit na halalan sa susunod na taon.

Base sa isang dokumento na napasakamay ng Abante, hindi kasama ang pangalan ni Uson sa final shortlist ng mga posibleng manukin ng administrasyon para sa 2019 midterm elections.

Ang nasabing dokumento ay isang liham mula kay Senador Koko Pimentel para kay Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang tumatayong chairman ng PDP-Laban.

Si Pimentel na kasalukuyang pangulo ng partido ang isa sa dalawang opisyal ng PDP-Laban na pinapayagan ng kanilang saligang batas na mag-isyu ng certificate of nomination and acceptance (CONA) para sa mga nag-aasam na maging bahagi ng ticket ng administrasyon sa 2019.

Matatandaang na-bad trip si Pimentel kay Uson matapos ang kanyang malaswang gimik para sana sa paglalaganap ng pederalismo sa bansa.

Kabilang sa mga pangalan na isinumite ni Pimentel na siyang kasalukuyang pangulo PDP-Laban kay Duterte ay sina (SAP) Bong Go, Presidential Political Adviser Francis Tolentino, Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles, Maguindanao Rep. Zajid “Dong” Mangudadatu, Rep. Geraldine Roman, Makati City Rep. Monsour del Rosario, Negros Occidental Rep. Alfredo “Albee” Benitez, Quirino Rep. Dakila Carlo Cua, ang mang-aawit na si Freddie Aguilar, at ang kanyang sarili.

Kasama rin sa kanilang mga pinagpipilian ang kanilang mga kaalyado mula sa ibang partido kagaya nina Davao City Mayor Sara Duterte, Taguig-Pateros Rep. Pia Cayetano, dating PNP chief Ronald “Bato” dela Rosa, dating senador Lito Lapid, ang action-star na si Robin Padilla, dating DILG Sec. Rafael Alunan, Presidential Spokesman Harry Roque at ang brodkaster na si Ramon Tulfo.

Kabilang din sa kanilang pinagpipilian ang limang reelectionist na senador na kabilang sa majority coalition sa Mataas ng Kapulungan at ito’y sina Senador Cynthia Villar, Senador Sonny Angara, Senador JV Ejercito, Senadora Grace Poe at Senadora Nancy Binay.

Ayon sa isang insider ng Abante, nakatakdang magpulong sina Duterte, Pimentel at iba pang mga miyembro ng liderato ng PDP-Laban sa susunod na buwan para isapinal ang Magic 12 ng kanilang Senate slate.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?