64

Nov 13, 2019 @ 16:27
By

Mobile library, feeding program binida ng EPD

Mahigit 200 bata ang nakisaya sa naganap na “Mobile Library and Feeding Program” na programa ng Eastern Police District (EPD) na naganap nitong Martes ng umaga sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City.

Kasama ang kanilang mga magulang, nakisaya ang mga residente para makita ang ikatlong programa ng EPD.

Pinangunahan ni PCol. Hermogenes Cabe, Commander ng District Mobile Force Batallion, ang pamamahagi ng hygiene kits, school supplies, at lecture sa mga bata tungkol sa kalinisan gayundin sa kagandahang asal at pag-iwas na masangkot sa ilegal na droga.

“Target [natin] dito ang mga out-of-school youth, ‘yong mga parents na kung minsan hindi nila alam kung ano [ang] dapat ituro sa mga anak nila. Ito talaga ay more on police community relations or mapalapit yong loob ng mga tao sa pulis,” ayon kay Cabe.

Ayon kay PMaj. Virgilio Timajo, Tagapagsalita ng EPD, una nilang isinagawa ang nasabing proyekto sa Barangay Pineda sa Pasig at Barangay Fortune sa Marikina. Sa darating na Disyembre, pinag-aaralan pa nila kung saang depressed area naman nila isasagawa ang ikapat na ulit.

Nagpasalamat ang pamunuan ng EPD sa mga pribadong sektor na nakipagtulungan sa kanila tulad ng Rotary Club of Pasig, SM at San Miguel kung kaya naging matagumpay ang naturang programa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?