271

Oct 31, 2017 @ 18:37

MMDA metro aide muntik matodas sa bus

Muntik nang maputulan ng paa ang isang empleyado ng Metro Manila Development Authority (MMDA), makaraang biglang magtalsikan ang mga bakal na sahig ng isang pampasaherong bus nang maghiwalay ang transmission at makina nito sa Kamuning underpass sa Quezon City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PO2 Nurdi Murisidi ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 4, ang biktima ay nakilalang si Manuel A. Dotillos, 52, residente ng Brgy. Payatas, Q.C. at nagtatrabaho bilang metro aide ng MMDA.

Siya ay agad na isinugod sa East Avenue Medical Center (EAMC) sanhi ng tinamong grabeng pinsala sa paa at binti.

Ayon sa imbestigador, dakong alas -4:35 ng madaling araw nitong Oktubre 30, 2017, habang binabaybay ng Mayamy bus na may plakang (TXG-809) na minamaneho ni Jose Gauna Oblepias ang kahabaan ng Edsa patungong Southbound, at pagdating sa kanto ng Kamuning sa harapan mismo ng tanggapan ng QCPD Station 10, nang may biglang pumutok ng malakas kasabay nang tilamsikan ng mga nakalas na mga bahagi at bakal na sahig ng bus.

Nagising ang mga nagulat na pasahero, nag-panic at ang iba naman ay nagsitalunan sa bintana ng nakahinto nang sinasakyang bus, subalit wala naman ang iniulat na nasakatan sa mga ito maliban sa empleyado ng MMDA.

Ayon sa imbestigador, maswerte pa pa rin ang biktima dahil sa paa lamang natalsikan ng kumalas na bakal ng sahig na bus dahil kung sa katawan niya ito tumusok ay malaki ang posiblidad na ikamatay niya ito.

“Maging kami nga ay nagulat sa lakas ng pagsabog ng bus,” anang imbestigador.

Ang driver ng bus ay under custody ngayon ng QCPD Traffic Sector 4 at inaalam pa kung ito ay kakasuhan ng biktima.

Handa naman umano ang kompanya ng bus na minamaneho nito na sagutin ang mga bayarin sa ospital na pinagdalahan sa nasabing empleyado ng MMDA.(Dolly B. Cabreza/ with trainee-Bridgette Caminoc)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?