157

Jan 4, 2019 @ 17:04
By

MMDA magpapakalat ng traffic enforcers, medical team sa Traslacion ng Black Nazarene

Handa na ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na aayuda para sa kalinisan, pagsasaayos ng trapiko at kaligtasan ng publiko sa Traslacion ng Itim na Nazareno sa susunod na linggo.

Ayon sa MMDA, magpapadala ito ng 350 na traffic at emergency assistance personnel mula sa Enero 6 hanggang sa prusisyon ng replica ng Nazareno na nakatakda sa Enero 7.

Kabilang na rito ang ipakakalat sa Quirino Grandstand para sa tradisyon na “Pahalik” sa imahen na magsisimula sa Enero 8.

Nasa 850 naman ang ibubuhos na tauhan ng MMDA para sa araw ng Traslacion sa Enero 9.

Ikakalat ang mga ito sa palibot ng Quirino Grandstand, simbahan ng Quiapo at sa ruta na dadaanan ng “Andas.”

Ang prusisyon ay agad namang susundan ng mga tagapaglinis.

Magpapakalat din ang MMDA ng mga kagamitan para sa trapiko at para sa emergency.

“Traffic mobile patrols, ambulances, road emergency vehicles, mobile surveillance and communication units and other necessary equipment and vehicles will also be dispatched,” sabi ng MMDA.

Magpapahimpil naman ng mga ferry boat ang Pasig River Ferry Service sa Jones Bridge sa Maynila na dadaanan din ng Andas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?