MMDA, handa sa 2-araw na tigil-pasada

Sharing is caring!

Muling magpapakalat ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ng mga sasakyan para isakay ang mga pasahero na maaaring maapektuhan ng panibagong dalawang araw na tigil-pasada sa darating na Lunes at Martes.

Ito ang sinabi ni MMDA Asst. Gen. Manager Jojo Garcia at aniya kasabay nito ang pagpapatupad nila ng traffic contingency measures.

Umapela rin si Garcia sa mga jeepney driver na intindihin na ang isinusulong na jeepney modernization program na para sa kapakanan ng mga pasahero.

Giit nito, panahon na para magkaroon ng kumportableng masasakyan ang mga tumatangkilik sa pampublikong transportasyon.

Ang ikakasang dalawang araw na tigil-pasada ay pangungunahan ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsupert at Operator Nationwide (PISTON).

Wala pang abiso ang Malakanyang kung idedeklarang walang pasok sa mga eskuwelahan at tanggapan ng gobyerno sa Lunes at Martes.
(Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?