74

Aug 16, 2018 @ 10:36
By

MMDA gigisahin ni Poe sa driver-only ban sa EDSA

Ipatatawag sa Senado ang mga opisyal ng Metro Manila Development Authority (MMDA) para siyasatin dahil sa pagpapatupad ng driver-only ban sa EDSA.

Ayon kay Senadora Grace Poe, chairman ng Senate Committee on Public Order, magpapatawag siya ng pagdinig upang pagpaliwanagin ang MMDA kung bakit nagpatupad ng driver-only ban nang walang public consultation at walang sapat na pag-aaral.

Diin ng senadora, dapat pinag-isipan itong maigi bago ipatupad dahil tiyak lang na ililipat nito ang matinding trapiko ng EDSA tungo sa mga inner road.

“We will be just replicating the horrors of EDSA in all other roads. Aalisin mo nga sa EDSA, ililipat mo naman sa ibang mga kalsada na hindi pa naman handa,” ayon sa senadora.

“They didn’t have the courtesy to call for a public hearing on this. Then all of a sudden, even without much warning or public information, they came up with this regulation,” dagdag nito.

Ang pagdinig ay ibabatay sa Senate Resolution No. 845 na kumakalampag sa MMDA para itigil ang driver-only ban.

Inaprubahan ng lahat ng mga senador ang nasabing resolusyon na inakda nina Senate President Tito Sotto III, Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Senate Minority Leader Franklin Drilon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?