8

Jul 30, 2020 @ 14:42
By

MMDA: Aksidente sa EDSA dahil sa nakainom, nagte-text na rider

Mga nakainom, abala sa cellphone at wala sa pokus ang mga motoristang nasangkot sa aksidente sa kahabaan ng EDSA, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Sa pagdinig ng House committee on transportation na pinamumunuan ni Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento, kinuwestyon nito ang paglalagay ng mga barrier sa EDSA at speed limit na itinuturong dahilan umano ng sunod-sunod na aksidente sa lugar.

Pinaliwanag naman ni MMDA General Manager Jojo Garcia na ‘isolated incident’ lamang ang mga naganap na aksidente sa EDSA.

Tinukoy pa nito ang kanilang datos mula Hunyo 1 nang payagan muli ang pagbiyahe sa EDSA kung saan anim lamang ang naitalang aksidenteng kinasasangkutan ng bus mula sa 30,000 bus trip.

Habang 39 naman ang naitalang aksidente mula sa limang milyong motorcycle at private vehicle trip sa loob ng isang buwan.

Nilinaw pa ni Garcia na pawang mga nakainom, nagte-text at wala sa pokus ang mga naitala nilang aksidente sa EDSA at walang kinalaman ang mga inilagay nilang barrier.

Paliwanag pa ni Garcia na inilagay ang mga barrier sa loading at unloading area upang protektado ang mga commuter.

Hindi aniya dapat isisi ang mga aksidente sa paglilipat ng bus lane sa EDSA dahil sumusunod lamang sa international standard ang sukat ng bus na 2.5 hanggang 2.8 meter sa 3.5 meter naman na sukat ng lane.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?