62

Dec 15, 2017 @ 16:30

ML extension sa Mindanao, ipapaliwanag ng DFA sa diplomatic community

Titipunin ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga embahador at konsul dito ng ibat ibang bansa para pagpaliwanagan sa isang taong pagpapalawig ng martial law sa buong Mindanao.

Sinabi ni DFA Secretary Alan Peter Cayetano na magbibigay sila ng briefing sa diplomatic community upang maunawaan nila ang sitwasyon.

Ipaliliwanag din na may mga mekanismo sa Konstitusyon ng bansa na nagtatakda ng mga limitasyon ng gobyerno kapag mayroong martial law.

Isasama niya sa briefing ang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.

Ayon kay Cayetano, hindi naman inaasahan ng DFA ang negatibong reaksyon ng ibang bansa sa martial law dahil batid naman daw ng buong mundo ang banta ng terorismo sa mindanao.

Sa katunayan, marami umanong tumatawag sa kanila sa DFA para batiin ang pamahalaang Pilipinas dahil matagumpay na naresolba ang krisis sa Marawi City at matapang ang mga hakbang ng gobyerno laban sa mga teroristang grupo.

Mayroon din umanong tumatawag para magbahagi ng nakalap na impormasyon ukol sa mga banta sa Mindanao ng mga terorista at mga jihadist. Isaac Mendez

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?