22

Feb 19, 2020 @ 17:21
By

Miyembro ng Sayyaf, timbog sa QC

Arestado ang isang sinasabing miyembro ng Abu Sayyaf Group sa isinagawang pagsalakay ng pinagsanib na puwersa ng Quezon City Police District at Criminal Investigation and Detection Group sa lungsod, Miyerkoles ng umaga.

Kinilala ang suspek na si Adzman Tanjal, 32, may asawa, tubong Sabah, Malaysia at nakatira sa Libyan St., Salaam Compound, Barangay Culiat.

Nadakip sila dakong alas-9:30 ng umaga, Pebrero 19 sa bisa ng search warrant na inilabas ng korte laban sa kanya.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang MK-2 fragmentation hand grenade, isang Colt Mark IV caliber .45 pistol, isang magazine na puno ng bala at live ammunition.

Nabatid na isang pulis na kinilalang si P/Sgt. Lou Francis Burawes ang nasugatan sa pagsalakay makaraang tamaan ng bala ng M-16 armalite rifle sa kaliwang paa nang aksidenteng makalabit nito ang gatilyo ng nasabing baril.

Agad namang isinugod sa pagamutan ang nasabing pulis kung saan siya nagpapagaling sa ngayon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?