100

Nov 18, 2017 @ 12:01
By

Miyembro ng akyat-bahay, kalaboso sa pagnanakaw

Isang kilabot na miyembro umano ng ‘Akyat-Bahay’ na umano’y nagbagong-buhay ang inaresto makaraang salakayin ang tirahan nito sa Cubao, Quezon City.

Sa bisa ng warrant of arrest ay nadakip ang suspek na si Jerry Molina, alyas Untong, na nakorner sa kanyang bahay sa 18th Avenue cor. Zamora St., Brgy. San Roque ng nabanggit na lungsod nitong Huwebes, dakong alas-nuwebe ng gabi.

Papaalis na umano ng kanilang tahanan ang suspek at magtutungo sana sa burol ng namatay na pinsan, nang dakmain ng mga awtoridad.

Ayon sa pulisya, kilalang akyat-bahay si Molina sa lungsod at labas-masok na sa kulungan.

Nabatid na matagal nang wanted si Molina dahil sa patong-patong na kasong pagnanakaw. Matapos umano ang pagnanakaw nito ay magtatago sa Bulacan o Nueva Ecija at doon magpapalamig bago bumalik ng lungsod at magnanakaw uli.

Aminado naman si Molina na dati siyang kasapi ng ‘Akyat-Bahay’ ngunit nagbagong-buhay na umano siya at halos mag-iisang taon na siyang kumalas sa grupo.

Iginiit ng suspek na isinasangkalan lang diumano ng mga dating kasama ang kanyang pangalan sa tuwing titira ang mga ito.

Subalit hindi kinagat ng pulisya ang palusot ng suspek dahil dalawang linggo pa lang umano ang nakalilipas ng huling pagnanakaw ni Molina. (Dolly B. Cabreza/With trainee Bridgette Caminoc)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?