473
Misuari nagbanta ng giyera kapag hindi natuloy ang federalismo
Mar 20, 2019 @ 20:50
By

Misuari nagbanta ng giyera kapag hindi natuloy ang federalismo

Federalismo ang hiling ni dating Moro National Liberation Front (MNLF) chairman Nur Misuari sa gobyerno kapalit ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.

Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa muling pakikipagkita ni Misuari sa kanya Martes ng gabi sa Malacañang matapos dumating mula sa dinaluhang conference sa Gitnang Silangan.

Sinabi ng Pangulo na sinisingil na ni Misuari ang federalismong ipinangako noon sa kanya ni dating Pangulong Corazon Aquino.

Ayon sa Pangulo na kaya niya isinapubliko ang naging usapan nila ni Misuari para marinig ng mga mambabatas at kumilos at magpasya kung ano ang inaakalang tama para sa bansa.

“Kagabi nag-usap kami sa harapan nina Gen. Galvez sa OPAPP, Gen. Esperon at apat pang heneral. Sabi ni Misuari ito ang gusto ko federalism,” anang Pangulo.

Ayon pa sa Presidente, tinapat siya ni Misuari na kapag hindi ibinigay ang federalismo ay magkakaroon ng giyera sa Mindanao.

“Sabi ni Misuari kagabi, if you do not give it to me, let me be very honest, I will go to war,” dagdag pa ng Pangulo.

Ayon sa Presidente, naiintindihan niya ang posisyon ni Misuari kaya’t iminungkahi na bumuo ng panel para ipaalam sa publiko na wala silang itinatagong negosasyon.

Matatandaang hindi sinuportahan ni Misuari ang plebisito para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law dahil ang nais nito ay maipatupad ang federalismo sa Mindanao Region.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?