331

Nov 27, 2017 @ 18:10
By

Mister todas, anak at misis kritikal sa away ng kapitbahay

Patay ang mister habang nasa kritikal na kondisyon naman sa ospital ang misis at anak nito matapos na umawat at pagbalingang pagsasaksakin ng anim na kapitbahay na nag-iinuman sa Quezon City nitong Linggo ng gabi.

Kinilala ni P/ Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang biktimang namatay noon din na si Michael Madlangsakay, residente ng Sitio Kislap Pearl Drive St., Brgy. Greater Fairview, QC. Siya ay nagtamo ng maraming malalalim na saksak sa katawan.

Ang anak naman ng biktima na nakilalang si Alexander na nagtamo naman ng isang malalim na saksak sa dibdib at misis niyang si Lucresia, na may tama naman ng dalawang saksak sa katawan, ay kapwa nasa kritikal na kondisyon sa Fairview General Hospital.

Sa inisyal na report na ipinadala ng Fairview Police Station 5, sa CIDU-QCPD, dakong alas-sais ng gabi ay nag-iinuman ang mga suspek na magkakamag-anak na sina Benjie Labado, 21; Gerald Labado, 28; JR Labado at mga kaibigan na nakilalang sina Jomar Nablo, 25; Gerwin Lebanon, 36; Judy Cabigayan, pawang mga construction workers, sa tabi ng ilog sa Sitio, Kislap, Pearl Drive St., Brgy. Fairview.

Dahil sa ingay ng mga nag-iinuman ay nagalit ang pamilyang Tapia na katabi lamang ang bahay ng creek at kinompronta ang mga nasabing suspek.

Kumakain naman ng dinner si Michael at ang asawa’t anak nito nang marinig ang komosyon kaya lumabas ng bahay ang una at sumunod naman sina Alexander at Lucresia.

Doon ay pumagitna sa away si Michael upang payapain ang magkabilang panig subalit sa kanya naibunton ang galit ng mga suspek at pinagsasaksak ni JR Labado ang una.

Nang tangkain ding tulungan ng anak at misis ang kanyang mister na si Michael ay sila naman ang hinarap ng suspek na si JR at pinagsasaksak din ang mag-ina ng biktima.

Nang duguang bumagsak ang pamilya Madlangsakay ay agad na tumakas si JR habang naaresto naman ang limang nabanggit na suspek na kainuman nito. (Dolly B. Cabreza/with Bridgette Caminoc)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?