72

Oct 2, 2017 @ 17:53

Mister itinumba ng riding-in tandem sa QC

Binistay ng pitong bala ng baril ang 42-anyos na lalaki ng dumaang riding-in tandem sa Quezon City, noong Linggo ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Ronnie Frias Mendoza, alyas “Baldo,” may-asawa, nakatira sa No. 90 Don Sergio Extension, Samonte St.,Brgy. Holy Spirit, Quezon City. Siya ay namatay noon din sanhi ng mga tinamong tama ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Anthony Tejerero, nabatid na ang pagbaril at pagpatay sa biktima ay naganap dakong alas-11:30 ng gabi sa harap ng tahanan nito.

Ayon sa pahayag ni Rage Aira Mendoza, anak ng biktima, nakatayo lamang ang kanyang tatay sa harap ng kanilang tahanan nang dumaan ang dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo at pinagbabaril ang kanyang ama.

Matapos ang krimen ay mabilis na tumakas ang dalawang suspek sakay ng kanilang motorsiklo na hindi nakuha ang plaka.

Sa pagresponde naman ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), nakakuha sila ng pitong basyo ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa pinangyarihan ng krimen.

Blanko pa ang mga tauhan ng Quezon City police sa motibo ng krimen na subject ngayon sa ginagawang masusing imbestigasyon. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?