251
patay-dead-body
Jan 3, 2018 @ 17:29
By

Mister dedbol sa pagbili ng diaper

Pinagbabaril at napatay ang isang mister ng riding-in-tandem habang bumibili ng diaper sa tindahan sa Novaliches, Quezon City nitong Martes ng umaga.

Kinilala ni P/Supt. Rodelio Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD- CIDU), ang biktima na si Raymar Garais, 39-anyos, construction worker, residente ng Geronimo St., Brgy. Sta. Monica ng nasabing lungsod. Siya ay namatay habang isinusugod sa Novaliches District Hospital sanhi ng tinamong dalawang tama ng bala ng baril sa ulo.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO1 Reydan Neron, ng QCPD Tactical Motorcycle Riders, dakong ala-una ng madaling-araw ay papauwi na umano si Garais galing sa trabaho subalit tumigil muna ito sa isang tindahan sa kanilang barangay upang bumili ng diaper, nang sumulpot ang dalawang kalalakihan na kapwa nakasuot ng itim na jacket sakay ng motorbike at bigla na lamang niratrat ang biktima.

Ayon sa tindero ng tindahan na tumangging ipabanggit ang pangalan, abala siya sa pagkuha ng diaper na binibili ng biktima nang makarinig siya ng dalawang putok ng baril at pagtingin niya ay duguan na itong nakahandusay sa harap ng kanyang tindahan.

Aniya, naispatan na lamang niya ang mga papatakas na suspek patungo sa direksiyon ng Sarmiento Street sakay ng isang motorbike na walang plaka.

Sa pahayag naman ni Barangay Sta. Monica security officer Della Mandrano sa pulisya, posibleng mahirapan sila para matunton agad ang mga salarin dahil ang nakakabit nilang closed-circuit television footage ay depektibo na.

Nasamsam sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang dalawang basyo ng bala, isa mula sa .45 caliber pistol at ang isa naman ay sa 9-mm pistol. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?