155

By

Mister buking sa pamemeke ng marriage certificate para pakasalan ang kabit

Dinampot ng mga tauhan ng San Juan Police ang isang dating overseas Filipino worker (OFW) matapos akusahan ng misis ng pamemeke ng kanilang marriage certificate para pakasalan ang kalaguyo sa ikinasang operasyon sa tinitirhang bahay sa Imus, Cavite.

Batay sa repot na isinumite kay Eastern Police District (EPD) Director, PCSupt. Bernabe Balba ni San Juan City Police Chief, PSSupt. Dindo Reyes, nakilala ang suspek na si Richard Gulmayo Jr., 62-anyos, residente ng No. 35 Balimbing Drive, Barangay Medicion 1B, Imus, Cavite.

Inaresto si Gulmayo sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni San Juan Metropolitan Trial Court Branch 57 Judge Marianito Santos sa kasong Falsification of Public Document sa ilalim ng Criminal Case No. 83168 na inisyu noong Pebrero 20, 2007.

Sa pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigaton Unit at Warrant and Subpoena Section, inaresto si Gulmayo sa kanyang tinutuluyang bahay sa Imus bandang alas-12:15 ng tanghali noong Sabado.

Nag-ugat ang kaso makaraang magsampa ang tunay na asawa ni Gulmayo na si Emma matapos na pekein nito ang kanilang Certificate of Marriage nang magpakasal sa kinakasama noong Abril 15, 2002 sa Muntinlupa City.

Nabatid na kasal sila Gulmayo noong Marso 17, 1985 sa Marinduque City at naghiwalay noong 2003 dahil sa kinakasamang kabit at pinabayaan na niya ang tatlong anak.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa San Juan City Police custodial facility.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?