150

Nov 1, 2017 @ 15:57

Mister, arestado sa mga baril, granada na walang lisensiya

Inaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang mister makaraang makuhanan ng apat na baril, mga bala at isang granada sa loob ng kanyang tahanan sa Brgy. Commonwealth, Quezon City kamakalawa ng gabi.

Sinabi ni QCPD Director Chief Supt. Guillermo Eleazar, sinalakay ng kanyang mga tauhan ang bahay ni Robert Corpuz Eugenio, nasa hustong gulang, sa Abris St., Brgy. Commonwealth, bunsod na rin ng impormasyon na nag-iingat ito ng maraming armas na walang kaukulang mga lisensiya.

Agad na nag-request ng search warrant sa korte ang QCPD at sinalakay ang bahay ni Eugenio dakong alas-sais ng gabi na nagresulta ng pagkakakumpiska ng isang kalibre .45 na may anim na bala, isang kalibre .40 na may walong bala, isang 9mm na baril na may 15 bala, isang kalibre .38 at isang granada.

Ayon kay Eleazar, ang pagsalakay sa tahanan ni Eugenio ay bahagi ng Oplan Salikop, Panlalansag Omega at Pagtugis sa mga hinihinalang kriminal sa bansa.

Nakapiit ngayon sa QCPD Station 6 Batasan Police Station si Eugenio at nahaharap sa kasong illegal possession of firearms and ammunition.

Nabatid din sa QCPD official, na maging ang bahay ng kapatid ni Eugenio na si Reynaldo ay sinalakay din ng mga awtoridad pero nakapuslit ito nang isagawa ang  raid ngunit nakakumpiska ng dalawang baril at bala na kinabibilangan ng isang kalibre .45 at isang kalibre .38. (Dolly B. Cabreza/With trainee Bridgette Caminoc)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?