181

Nov 24, 2018 @ 16:55
By

Misis sa masaker, nakunan ng shabu

Posibleng may kinalaman sa iligal na droga ang nangyaring masaker sa isang pamilya nang pagbabarilin ng isang pulis-Caloocan ang mag-asawa at 12-anyos na anak sa Quezon City, nitong Biyernes ng madaling-araw.

Ito ay makaraang makasamsam ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) na pinamumunuan ni Police Chief Insp. Nellson Sta. Maria ng kulay pulang ‘pouch’ na nakakabit pa sa beywang ng isa sa mga biktimang si Christine Dela Pena Ado, 50-anyos, ng dalawang heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng ‘di pa batid na gramo ng shabu, isang disposable lighter at palara.

Gayunman, masusing iniimbestigahan pa umano ni PO1 Christian Loyola ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) kung ang napatay na ginang at ang mister nito na si Romeo Catalan Ado Sr., 54-anyos, electrician, ay gumagamit at nagtutulak ng iligal na droga, at nadamay lamang na nabaril ang anak na si Romeo Ado Jr., 12-anyos.

Ayon sa CIDU, nag-ugat ang alitan ng pamilya Ado at ng suspek na nakilalang si PO3 Jerry Antonio, isang pulis-Caloocan, nang kasuhan ito ng biktimang si Christine at ng anak na si Kristine Marie, ng ‘grave threat’ ( violation of RA 7619) noong Abril 2018, matapos na akusahan ng suspek ang mga biktima na umano’y sangkot sa iligal na droga.

Nabatid naman kay PO2 Ronald Pelicano ng Masambong Police Station 2, noong 2017, nakatira umano si PO2 Antonio sa tahanan ng pamilya Ado at umalis lamang ito nang magkaroon ng sigalot sa pagitan nila ng mga biktima.

Magugunitang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng nasabing pulis ang mag-asawa, at anak na si Romeo nitong Biyernes ng madaling-araw, Nobyembre 13, habang natagpuan namang buhay ang kanilang tatlong taong gulang na apo na si John Goldimire Nocum sa loob ng tahanan ng mga biktima sa No. 138 Alpha Madrigal St., Adelina Farm, Sitio San Roque, Brgy. Bagong Pagasa, QC.

Isang manhunt operation na ang ikinasa ng mga operatiba ng QCPD laban sa suspek na pulis.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?