72

Dec 4, 2019 @ 18:58
By

Misis ng pulis tepok sa bumagsak na basura

Dedbol ang misis ng pulis nang aksidenteng mahulog ang itinapong bed foam sa kanyang sinaksakyang motorsiklo sa Commonwealth Avenue, Quezon City, Miyerkules ng umaga.

Kinilala ni PMaj. Michael C. Sanchez, hepe ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit (QCDTEU), ang biktima na si Ma. Eden Ebit.

Base sa report, dakong alas–8:30 ng umaga (December 4) nang mangyari ang aksidente sa Barangay Batasan Hills ng nasabing lungsod.

Sa imbestigasyon, sakay si Eden ng motorsiklo na minamaneho ng mister na si PSSgt. Victoriano Balmaceda Ebit, at habang binabaybay ang kahabaan ng north bound ng Commonwealth Avenue, bago dumating sa kanto ng Kalayaan Street ay aksidenteng bumagsak sa kanila ang malaking bed foam na lulan ng garbage truck na nasa unahan nila.

Dahil dito, nawalan ng kontrol ang sinasakyang motorsiklo ng mag-asawa kaya sumemplang ito sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, nahulog ang biktima sa semento, at nabagok ang ulo.

Naisugod pa ang babae sa General Malvar Hospital subalit hindi na naisalba ang kanyang buhay.

Pinaghahanap ng mga tauhan ng QCPD traffic sector 5 ang tumakas na driver ng garbage truck.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?