433
Misis naglasing muna bago nagbigti
Mar 11, 2019 @ 16:59
By

Misis naglasing muna bago nagbigti

Nakipag-inuman sa kaniyang mga kapitbahay bago nagbigti ang isang misis sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Talipapa, Quezon City.

Kinilala ni PInsp. Juan Mortel ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District ang biktima na si Emgiela Palada Minorca, 24, at residente ng Blk 8, Lot 16 Gatus Compound, Brgy. Talipapa, QC.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO1 Christian Loyola ng CIDU-QCPD, natagpuan ang bangkay ng biktima na nakaluhod at may nakapulupot na itim na kable sa leeg dakong alas-10:30 ng gabi ng Marso 10 sa loob ng kanilang tahanan.

Batay sa pahayag ni Michael Angelo Galit, live-in partner ng biktima, pagdating umano niya sa kanilang tahanan ay naabutan pa niya na nakikipag-inuman si Minorca sa kanilang mga kapitbahay.

Nakipag-inuman umano sandali si Galit at dahil pagod sa trabaho ay nagpaalam na ito na matutulog na siya.

Dakong alas-10: 30 ng gabi ay napansin umano ni Vilma Guillermo, kapitbahay ng biktima na nasa labas pa ng bahay ang 5-anyos na anak ni Minorca at naglalaro pero madilim ang loob ng bahay nito.

Minabuti ni Guillermo na puntahan ang bahay ng biktima at dahil madilim ang loob ay ginamit niya ang flashlight sa kaniyang cellphone at doon ay bumungad sa kaniya na nakaluhod si Minorca at nakatali ang leeg ng kable.

Agad na humingi ng saklolo si Guillermo kaya nagising si Galit at isinugod ang biktima sa Vian Family Hospital subalit idinekara itong dead on arrival ng attending physician na si Dra. Cha Uy.

Masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad kung may foul play sa sinasabing pagpapakamatay ng biktima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?