227

By

Misis na OFW pinatay sa saksak ng selosong mister

Patay ang isang ginang na Overseas Filipino Worker (OFW) na kakauwi lang ng bansa matapos itong pagsasaksakin ng kanyang asawa nang magtalo ang mga ito dahil sa selos ng mister na mayroon umanong ibang lalaki ang una sa bayan ng Lebak, Sultan Kudarat.

Dead on the spot dahil sa tinamong mga saksak sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang biktimang nakilalang si Daisy Villar, 39, domestic helper sa United Arab Emirates (UAE) at kakauwi lang ng Pilipinas nitong Sabado.

Samantala sumuko naman sa pulisya makalipas ang dalawang oras na negosasyon ang suspek na si Anjo Villar, nasa hustong gulang, at pawang residente ng Barangay Aurelio Freires Sr., ng nabatid na bayan.

Ayon kay Police Major Randy Eliarde, hepe ng Lebak Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente dakong ala 1:30 ng hapon sa loob ng bahay ng mag-asawa ng komprontahin ng suspek ang kanyang misis hinggil sa umanoy mayroon itong ibang lalaki matapos na makita ang isang Facebook post nito na mayroong kasamang ibang lalaki sa isang litrato.

Ang usapan ay nauwi sa pagtatalo hanggang sa makakuha ng patalim ang lalaki at pagsasaksakin sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang kanyang asawa.

Samantala ang komosyon sa loob ng bahay ng mag-asawa ay narinig ng mga kapitbahay na siyang tumawag sa pulisya na mabilis namang rumisponde.

Umabot naman sa halos dalawang oras ang negosasyon ng suspek at ni Eliarde bago kusang loob na sumuko at makapasok sa loob ng bahay ang mga pulis upang siya ay arestuhin.

Sinampahan ng kasong parricide ang suspek na ngayon ay nakakulong sa Lebak MPS detention cell.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?