72

Nov 3, 2017 @ 12:06

Millennials target na mailapit kay Duterte

Gagamitin ni incoming Presidential Spokesman Harry Roque ang social media para mailapit kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga “millenials”.

Sinabi kahapon ni Roque na nais niyang maiparating sa mga kabataan ang mensahe ng Pangulo dahil sila ang makikinabang sa kung ano ang magagawa ng kasalukuyang administrasyon para sa bansa.

Magiging aktibo aniya ito sa kanyang Facebook at Twitter account para malaman at makuha ang pulso ng mga millenials sa mga isyung may kinalaman sa bansa.

Hinimok ng kalihim ang mga kabataang mahilig sa social media na i-like ang kanyang Facebook page at Twitter account para maiparating ang mga mensaheng nais na ipabatid sa Presidente at maipabatid din sa mga ito ang mensaheng gustong ipahatid ng Pangulo.

“Well, unang-una sa mga kabataan na hindi pa nagla-like sa aking FBpage, paki-like na po ‘no dahil kulang pa po ang ating sumusunod sa ating Facebook at yung mga sumusunod na mayroong Twitter paki-follow na rin po si Attorney Harry Roque.

Importante kasi na makarating ang mensahe ng Presidente doon sa ating mga kabataan, yung tinatawag na mga ‘millenials ‘no. Sila po talaga ang pinakamalaking botante ngayon at sila po talaga ang—kung baga pinaka-importanteng stakeholder sa pagiging tagumpay ng ating Presidente,” ang pahayag ni Roque.

Kinikilala ng kalihim ang millenials na may malaking populasyon kaya’t hindi maaaring balewalain ang mga ito na bahagi ng lipunan. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?