33

By

Militarisasyon ng WPS didinggin na ng Senado – Legarda

Sharing is caring!

Bumigay na si Senadora Loren Legarda sa panawagan ng mga senador mula sa oposisyon na magpatawag siya ng pagdinig ukol sa militarisasyon ng West Philippine Sea at ukol sa harassment ng Chinese coast guard sa mga Filipinong mangingisda.

Inihayag ngayon ni Legarda, bilang chairman ng Senate committee on foreign relations na magpapatawag na siya ng pagdinig ukol sa isyu.

Una nang pinuna nina Senador Bam Aquino, Senadora Risa Hontiveros at Senate minority leader Franklin Drilon ang hindi pagpapatawag ni Legarda ng pagdinig ukol sa mainit na West Philippine Sea issue gayung noong nakaraang taon pa sila naghain ng mga resolusyon ukol dito.

Sinabi pa ni Drilon na dapat ipaglaban ng Senado ang poder nito na busisiin ang isyu pati na ang foreign policy ng Duterte administration pagdating sa China.

“I welcome the call for the Senate committee on foreign relatons to conduct a public hearing on the government’s policy towards China,” sabi ni Legarda.

“I agree that the Senate, as an independent body, should assert our role in helping shape the government’s foreign policy,” dagdag nito.

Kasama ng Senate committee on national defense and security, sinabi ni Legarda na kanilang didinggin ang Resolution No. 722 na inakda ni Senador Antonio Trillanes IV at ang Resolution No. 723 na inakda ni Senador Bam Aquino.

Sa dalawang resolusyon, ipinabubusisi ang pagpapasok ng China ng bomber planes at missile system sa West Philippine Sea at ipinarerepaso ang foreign policy ng Duterte administration partikular ang patakaran nito pagdating sa China.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?