215
ammo
Jun 5, 2018 @ 19:22
By

Militar muntik maubusan ng bala, bomba sa Marawi siege

Ipinagtapat ng isang opisyal ng Department of National Defense (DND) na muntik nang maubusan ng bala at bomba ang mga sundalo sa bakbakan sa Marawi City nu’ng nilusob ito ng mga bandido at terorista noong nakaraang taon.

Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Defense Assistant Secretary Manuel Felino Ramos na natugunan lang ang kailangang bala ng military dahil sa tulong ng ilang kaalyado ng bansa.

Katulad umano ito ng nangyari nu’ng 2001 nang magdeklara ng all-out war laban sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang Estrada administration.

“Like what happened to Marawi and other exigencies that we have since the all-out war in 2001, we almost expended our ammunition and our bombs,” ayon kay Ramos.

Dahil dito, hiniling ng DND sa Senado at sa Kamara na aprubahan ang kanilang rekomendasyon na itaguyod ang special defense economic zone sa lalawigan ng Bataan.

Layon dito na mahikayat ang mga pribadong korporasyon na magtayo roon ng mga pagawaan ng bala, baril at iba pang gamit para sa military, pulisya at iba pang law enforcement agencies.

Maaari rin umanong palakasin doon ang kakayanan ng gobyerno na masuplayan ang kailangan nitong mga bala at armas.

Ayon kay Ramos, mahalagang may kakayanan ang gobyerno na matugunan ang kailangan nitong mga armas at bala upang lagi itong may kakayanan na lumaban kapag may rebelyon o anumang banta sa seguridad ng bansa.

Kinatigan ito ni Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate economic affairs committee na nagpunto na 70% lang ng kailangang bala ng military ang natutugunan dito at ang 30% ay inaangkat na, katumbas ng 20 milyong bala.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?