54

May 15, 2018 @ 14:04
By

MILF member, dinakip sa bitbit na baril sa canvassing sa Maguindanao

Dinakip ng militar ang isang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) 108 Base Command makaraang mahuling may bitbit na baril habang isinasagawa ang canvassing of votes kagabi sa labas ng munisipyo ng Paglat, Maguindanao.

Ayon kay Lt. Col. Harold Cabunoc, commanding officer ng 33rd Infantry Battalion, ang naaresto ay kinilalang si Awil Bong Kanakan, 27-anyos.

Nakasukbit sa beywang ng suspek ang loaded na kalibre .45 pistol na papunta sana sa loob ng munisipyo habang isinasagawa ang canvassing of votes kaya inaresto ng mga sundalo.

Maliban sa kanya, dinakip din ng militar ang kasama nitong menor de edad na iti-turnover naman sa Department of Social Welfare and Development.

Hindi maipaliwanag ni Kanakan kung ano ang pakay niya sa lugar kaya duda ng militar na planong manabotahe sa botohan ng suspek dahil alam naman ng grupo ng MILF na bawal magbitbit ng baril ngayong election period.

Sasampahan na ng kaso ang suspek.

Naging mapayapa naman ang baranggay at Sangguniang Kabataan elections sa Paglat.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?