119

Jan 21, 2019 @ 15:22

MILF, ilang guro nagdulot ng aberya sa BOL plebiscite

Naantala ang botohan sa ilang lugar sa Mindanao para sa plebisito ng Bangsamoro Organic Law (BOL) dahil sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ilang guro.

Ayon sa report, nakita ang ilang miyembro ng MILF na paikot-ikot sa ilang voting centers sa Cotabato City habang nakasuot ng berdeng damit at may dalang two-way radio para umano takutin ang mga botante.

May ilan pa umanong nahuling flying voters na may dalang MILF ID sa Cotabato Chinese Institute.

May ilang guro na miyembro ng plebiscite committee ang hindi rin tumuloy sa botohan dahil umano sa pananakot sa kanila ng MILF kaya naatala ang pagbubukas sa ilang paaralan na nag-umpisa pasado alas-10:00 na ng umaga.

Kinuwestiyon din ang kawalan ng sapat na kaalaman sa plebesito ng ilang ipinakalat na kapulisan sa mga voting precinct at maging ang mismong poll body.

Dapat umano ay inasahan na ang pagtalikod ng ilang guro para naiwasan ang pagkaantala ng botohan. (IS)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?