239

Apr 8, 2018 @ 15:03
By

MILF Commander, kalaboso sa pananakot sa kapitbahay

Hindi na nakaitis pa ang ilang kapitbahay sa pangha-harrass na ginagawa ng kanilang kapitbahay na isang commander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) matapos ang halos araw-araw na pananakot sa mga residente ng Barangay Tapian, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Inaresto kamakalawa ng hapon sa loob ng kanyang bahay si Tato Ibrahim, kilala bilang Commander Tato ng Task Force Ittihad ng MILF, nasa hustong gulang at residente ng nasabing barangay.

Nabatid mula kay Supt. James Allan ng Criminal Investigation and Detection Group – Autonomous Region in Muslim Mindanao (CIDG-ARMM), nagreklamo ang ilang residente ng nasabing barangay kaugnay sa pang-aabuso at pagpapaputok ng baril ng suspek.

Halos araw-araw umanong nagpapaputok ng baril at nananakit pa ng mga residente na kung saan isang kawani umano ng barangay ang sinampal matapos subukang pigilan si Ibrahim sa pangha-harass sa ilang residente.

Agad na sinugod ng pulisya ang bahay ni Ibrahim at nakumpiska ang isang kalibre 45 baril.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Illegal Possession of Firearms and Ammunition.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?