117

Dec 27, 2017 @ 11:10

Milan Melindo, may gustong patunayan sa laban sa Japan

Sabik nang makipagsuntukan si International Boxing Federation (IBF) light flyweight champion Milan ‘El Metodico’ Melindo laban kay Japanese World Boxing Association (WBA) light flyweight king Ryoichi Taguchi.

Gusto kasi ng Cagayan de Oro native na patunayan na isa siya sa mga magagaling na boksingero sa naturang dibisyon sa pamamagitan ng pagpapatumba sa isa pang Japanese star sa sarili nitong bakuran.

Unang nagtagumpay si Melindo matapos patulugin sa Round 1 at mapatalsik sa trono si Japanese star Akira Yaegashi sa Japan din, ilang buwan lang ang nakakaraan.

Sinabi ng 29-anyos na si Melindo na handa na siya sa laban nila sa Linggo sa Ota-City General Gymnasium sa Tokyo, Japan.

Nakaantabay naman ang isa pang Japanese world champion sa Melindo-Taguchi unification bout.

Asam ni World Boxing Council (WBC) light flyweight king Ken Shiro na makaharap kung sakali ang mananalo sa dalawang boksingero.

Kasalukuyang nasa ika-apat na posisyon si Melindo ng The Ring at ika-anim sa Transnational Boxing Rankings Board.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?