40

Jul 19, 2021 @ 19:38

Mika, Lady Realtors niratrat Home Fibr

HINDI lang ganda ang puhunan ni middle blocker Mika Reyes, ipinakita rin nito ang kanyang bangis sa laro matapos akbayan ang Sta. Lucia Lady Realtors sa 25-18, 25-19, 25-21 panalo kontra PLDT Home Fibr Power Hitters sa 2021 Philippine Volleyball League Open Conference ‘Bubble’ sa PCV Socio-Civic Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte kahapon.

Inirehistro ni 27-year-old Reyes ang 11 points sa likod ng siyam na attacks at tig-isang block at service ace upang tulungan ang Lady Realtors na makabangon agad mula sa first game loss sa defending champion Creamline Cool Smashers noong Sabado.

Ayon kay Sta. Lucia coach Eddieson Orcullo, maganda ang inilaro ng kanyang mga bataan, bago nagsimula ay sinabihan lamang nito na maglaro nang masaya upang hindi maramdaman ang pressure.

“Actually lahat, maayos ‘yung game. ‘Yung buong team maayos naman ‘yung inilaro pati ‘yung mga nasa labas nagtrabaho rin sila, ang usapan kasi sa gameplan maglaro kayo diyan sa loob, maglalaro kami dito sa labas kaya ayun, happy naman sa inilalaro nila,” hayag ni Orcullo.

Sa third set nakitaan ng tikas si Reyes sa kanyang depensa at pag-atake kaya naman madali nilang naigupo ang PLDT at makuha ang panalo sa kanilang unang prefessional league.

Tangan ang 1-1 karta, nakabawi na rin ang Lady Realtors na natalo sa Cool Smashers, 18-25, 21-25, 27-25, 18-25 habang nalasap ng Power Hitters ang pangalawang sunod na talo sa dalawang laro. (Elech Dawa)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?