31
midwife
By

Midwife inireklamo sa pagkamatay ng mag-inang pasyente

Sharing is caring!

Nakatakdang sampahan ng kaso ang isang midwife dahil umano sa pagpapabaya sa mag-ina sa lungsod ng Malabon, mahigit isang linggo na ang lumipas.

Ayon sa kapatid ng biktimang si Jeanne Leen De Guzman na si Joram De Guzman at kinakasama ng una na si Abraham Subalisid Jr., 38, nakatakda nilang sampahan ng kaukulang kaso ang midwife ng APM Birthing Home na matatagpuan sa Dalag Street, Barangay North Bay Boulevard South, Navotas na hindi na muna pinangalanan ng mga awtoridad.

Ayon sa mga ito, noong Abril 8, taong kasalukuyan, nagtungo umano sila doon upang magpa-check-up ngunit sinabi umano ng midwife na bumalik umano sila kinahapunan dahil manganganak na umano ang biktima.

Sumunod sila sa utos nito at pagbalik nila ay agad umanong ipinasok sa delivery room ang biktima na sana ay pangatlong anak na niya ang isisilang na puro normal delivery.

Laking gulat na lamang umano nila nang sinabi ng midwife na namatay umano ang biktima habang nanganganak dahil sa cardiac arrest at postpartum bleeding, patay din umano ang bata nang ilabas nito.

Hindi sila nawalan ng pag-asa at isinugod nila sa Tondo Medical Center ang mag-ina ngunit dead on arrival na ang mga ito.

Hindi agad na nakapagsampa ng kaso ang pamilya ng biktima dahil na rin sa paghihintay ng resulta ng awtopsiya nito na manggagaling sa Nate Funeral Homes sa lungsod ng Caloocan na may akreditasyon sa PNP Crime Laboratory.

Lumabas sa naging resulta ng awtopsiya na hemorrhagic shock at secondary lamang ang postpartum bleeding ang ikinasawi ng biktima at ang pagkamatay din umano ng sanggol ay secondary to asphyxia rin, taliwas sa sinabi ng midwife na sanhi ng ikinamatay ng mga ito.

Dagdag pa ng kinakasama ng biktima, ayon umano sa doktor na sumuri kay Jeanne, nasira umano ang puwerta ng biktima kung saan umabot umano sa may puwitan nito ang hiwa na malamang na dahilan ng hemorrhagic shock na nangyari dito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?