47

Dec 28, 2017 @ 12:15

Middle Eastern nationals na papasok sa bansa, tututukan ng NBI

Pumasok na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa imbestigasyon ng sunod-sunod na pagpasok sa bansa ng Middle Eastern nationals na may gamit na Belgian at Spanish passports.

Ito ay matapos na dumulog ang Bureau of Immigration (BI) sa NBI.

Ayon kay Immigration Port Operation Division chief Red Marinas, partikular na iniimbestigahan ng NBI ang ilang airline at airport employees na posibleng kasabwat ng international human trafficking syndicate.

Sinabi ni Marinas na ang 10 mga dayuhan na kanilang naharang sa NAIA ay sakay ng Thai Airways at Malaysian Airlines.

Ginagamit aniya ng sindikato ang Pilipinas bilang transit hub patungo ng United Kingdom lalo na’t may direct flight na mula Manila patungo ng UK.

Sa nakalipas na tatlong linggo, 10 mga dayuhan na may gamit na pekeng Belgian at Spanish passports ang naharang ng immigration officers sa NAIA.

Ito ay kinabibilangan ng pitong Iranians, isang Somalian at dalawang Chinese nationals. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?