80

Sep 12, 2021 @ 16:17
By

Michael Yang ‘funder’ ng Pharmally – Drilon

Lumilitaw umano na si dating economic adviser Michael Yang ay “funder” ng Pharmally Pharmaceutical Corp., ang kompanyang nakakuha ng P8.6 bilyong kontrata para sa COVID-19 medical supply na nadiskubreng ‘overpriced’.

Ito ang sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon matapos aminin ni Pharmally President Huang Tzu Yen sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee na umutang ang kanilang kompanya kay Yang dahil wala silang sapat na pondo para i-deliver ang mga pandemic medical supply.

“Wala akong nakikitang dummy. Ang nakikita ko siya ay funder [ng Pharmally],” pahayag ni Drilon sa panayam sa dzBB.

“Ang maliwanag at lumabas sa investigation namin ay pinahiram ni Michael Yang ang Pharmally. Inaamin ni Linconn Ong [Pharmally director] at Huang na wala silang kakayahan kaya pinahiram sila ni Yang,” dagdag pa nito.

Sabi ni Drilon, ang pag-amin ng mga opisyal ng Pharmally na umutang sila kay Yang ay nagpapatunay na walang ‘financial capacity’ ang kanilang kompanya.

“Iyon ay nagpapatunay na walang financial capacity ang Pharmally. It goes into the financial capacity of Pharmally to discharge their obligations under their contract,” sabi ni Drilon.

Ayon kay Drilon, sa ngayon ay wala siyang nakikitang pananagutan ni Yang maliban na lang kung kasama ang dating presidential adviser sa ‘conspiracy’ para mag-qualify ang Pharmally kahit wala silang financial capacity.

“Siya [Yang] mismo nagpahiram siya, ngunit iyan ba ay kasama sa pinag-usapan na ang Pharmally ang mag-bid at pagkatapos si Yang ang mag-finance? Hindi ko po alam,” ani Drilon.

“Ang tanong ninyo ano ang pananagutan? Wala siyang pananagutan sa pagpapahiram unless kasama siya sa isang conspiracy in order to qualify Pharmally to bid kahit wala siyang financial capacity,” saad pa nito.

Nauna nang sinabi ni Drilon na parang laway lang ang puhunan ng Pharmally sa pagkuha ng pinakamalaking kontrata sa gobyerno para sa medical supply sa gitna ng pandemya.

Pero giit ni Drilon, uungkatin pa rin nila kung nagkaroon ng connivance o sabwatan sa pagitan ng Pharmally, ni Yang at ng Department of Management-Procurement Service para makuha ang nasabing kontrata.

“Iyan pa ang hinahanap natin [sabwatan]. Sa ngayon, ang nakikita natin ay in-award ang kontrata. Una, P289 million. Walang pera ang Pharmally ng ganoong halaga,” ani Drilon.

“Paano sila nakapasok sa usapang ito kung wala silang pera at maliwanag naman na dapat may financial capacity ang supplier. Itong kumpanya na ito anim na buwan pa lang nabubuo at P625,000 ang capital, paano nabigyan ng kontrata na initially ay mahigit P289M?” dagdag pa ng minority leader.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?