188

Oct 30, 2017 @ 12:25

MIAA GM Monreal nag-inspeksiyon sa NAIA, mga natutulog ginising

Hindi nag-atubili si Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal na gisingin ang ilang turista na natutulog at nakahiga sa mga upuan para sa mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Maagang nagsagawa ng inspeksiyon si Monreal sa apat na terminal ng NAIA kaugnay sa pagpapatupad ng Oplan Undas 2017 ng Department of Transportation.

Nagbilin din si Monreal sa mga ginising niyang banyaga na maging sensitibo naman sa ibang pasahero na gustong maupo.

Nagreklamo rin ang isang balikbayang pasahero kay Monreal sa sabay-sabay na pagsasara ng counters ng isang airline company.

Ani Monreal, nagbilin na siya sa kinatawan ng Cebu Pacific na huwag sabay-sabay ang pagpapalit ng tao sa counters at huwag nang maglagay ng ‘closed’ signs para hindi na maging ugat ng pagkaaburido ng mga pasahero.

Nanawagan naman si Monreal sa mga pasahero na kung maaari ay agahan pa ang pagpunta sa airport at iwasan ang pagdadala ng mga malalaki at mabibigat na bagahe.

Hanggang ngayong araw ay inaasahan ni Monreal na dadagsa ang mga pasahero sa NAIA para gunitain ang Undas o magbakasyon sa mga probinsiya. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?