11

Feb 20, 2021 @ 20:23
By

MGCQ sa Metro Manila subukan lang muna – Angara

Ayos lang kay Senador Edgardo “Sonny” Angara na lumipat na sa mas maluwag na Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang bansa pero dapat aniya ay dahan-dahan itong gawin.

“Sa akin okay na mag-move tayo sa MGCQ pero dahan-dahan,” sambit niya sa panayam sa DWIZ nitong Sabado.

Aniya, maaaring subukan muna ang MGCQ sa transportasyon at sa face to face class.

“Kung puwede mag-dry run tayo sa transportasyon, sa mga bus, sa mga tren, subukan muna natin at sa face to face classes,” dagdag niya.

Para sa kanya, dapat pa ring naka-GCQ ang National Capital Region at iba pang urban area, at ang ilagay lamang sa MGCQ ay iyong mga lugar na may mababa nang naitalang kaso ng infection.

Matatandaang pabor ang National Economic Development Authority at Department of Trade and Industry sa paglipat mula sa GCQ patungong MGCQ sa Marso upang mabalanse anila ang pagiging ligtas sa virus at pagbuhay sa ekonomiya, na pinahina ng pandemya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?