18

Feb 16, 2021 @ 13:35
By

MGCQ sa buong bansa simula Marso tinutulak

Iminungkahi ng National Economic and Development Authority (NEDA) kay Pangulong Rodrigo Duterte na buksan na ang buong bansa at ilagay ito sa pinakamaluwag na quarantine status, ang modified general community quarantine (MGCQ), simula Marso 1.

Sinabi ni NEDA Acting Secretary Karl Kendrick Chua, sa regular na mensahe sa bayan ng Pangulo, na ito ay upang matugunan ang mataas na antas ng kagutuman sa mga Pilipino matapos magdeklara ng mahabang lockdown dahil sa COVID-19 pandemic.

Marami aniyang mga negosyo ang nagsara at maraming manggagawa ang nawalan ng trabaho kaya maraming pamilya ang naghirap at nagutom.

“The main reason is gusto na po natin ma-mitigate or mabawasan ‘yong sickness, hunger, poverty, job and income loss that are arising from non-COVID cases,” ani Chua.

Iminungkahi ng kalihim sa Pangulo na gumamit ng localized lockdown para mapigilan ang pagkalat ng virus sa isang komunidad ng hindi kailangang isama ang buong bayan, lungsod o lalawigan.

Sa ganitong paraan, ayon kay Chua, ay makakilos pa rin ang mga hindi apektado at makapagpatuloy ng kanilang araw-araw na buhay.

“At kung kailangan, gumamit tayo ng localized lockdown sa barangay or municipal level to address the local spread of the virus,” dagdag niya.

Batay aniya sa survey ng Pulse Asia, tumaas ang hunger rate ng 73 porsiyento at dapat na mabalanse ang pagbubukas ng ekonomiya at pagkontrol sa COVID-19.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?