377

Dec 21, 2017 @ 11:11
By

Mga Zamora nanuhol para sa recall election sa San Juan – JV

Inakusahan ni Senator JV Ejercito ang pamilya Zamora ng katiwalian sa gitna ng pagsusulong ng mga ito na mapatalsik ang kaniyang ina bilang mayor ng San Juan City.

Ayon kay Ejercito, gumagamit ang mga Zamora ng pondo ng gobyerno para makalap ang kailangang dami ng lagda para magkaroon ng recall elections sa kanilang siyudad.

Idinadaan umano ito ng mga Zamora sa medical assistance, scholarships at cash-for-work na ibinibigay kapag nakuha ang lagda sa recall petition. Gamit umano rito ang mga pribilehiyo ni Congressman Ronaldo Zamora.

Una nang Inaprubahan na Commission on Elections (COMELEC) ang recall petition laban kay Gomez ng nakalaban noong eleksyon na si dating San Juan Vice Mayor Francis Zamora.

Diin ni Ejercito, walang dahilan para muling magpa-eleksyon sa kanilang lungsod dahil maayos ang pamamalakad ng kaniyang ina na si Mayor Guia Gomez.

”Walang rason para magkaroon ng recall, there is no basis because maganda ang pamamalakad sa San Juan ngayon. I’m hoping the Comelec will reconsider and look at it thoroughly on how they were able to obtain the signatures,” ayon kay Ejercito.

“I have samples na ginamit talaga nila yung medical assistance, scholarships, cash-for-work. Bago nila i-release, nagpapirma muna sila ng recall,” sabi ni Ejercito.

Nitong nagdaang eleksyon, 1,224 na boto lamang ang lamang ni Gomez sa nakalabang si Zamora. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?