252
uv-express
Oct 24, 2018 @ 14:11
By

Mga UV Express nasilip sa sobrang paniningil!

Winarningan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga operator at driver ng Utility Vehicle (UV) express na naniningil ng sobrang pamasahe.

Kasunod ito ng mga natanggap na report ng ahensiya na nagdagdag umano ng limang piso sa pasahe ang mga ito ng walang pahintulot mula sa gobyerno.

Sa economic briefing sa Malacañang, sinabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra na nakatakda silang mag-operate sa mga lugar kung saan may report na over-charging.

“We have heard that report already and we are preparing for an inspection, and likely we are going to operate on certain areas where there are reported overcharging of fare,” ani Delgra.

Batay sa natanggap na report ng ahensiya, walang magawa ang mga pasahero sa dagdag limang piso dahil ikinakatwiran ng mga UV express driver ang mataas na inflation at mataas na presyo ng gasolina.

Kabilang sa mga nakatakdang i-operate ng LTRFB ayon kay Delgra ay ang mga ruta ng UV express na Quiapo-Megamall-Pasig, Quiapo- Fairview, Cavite-Makati, Marikina-Cubao at ilan pang lugar sa Metro Manila.

Umapela si Delgra sa mga operator na itigil ang sobrang singil sa pasahe dahil may katapat na parusa ang mga ito.

“We appeal for the UV express operators to stop the overcharging because we will have to enforce the rule on overcharging. We are actually preparing to conduct enforcement activities as regards to this. Abangan na lang po, may mangyayari po,” dagdag pa ni Delgra.

Hinikayat din ng opisyal ang publiko na ireport sa LTFRB hotline 1342 o kaya sa kanilang LTFRB, Twitter at Facebook page ang mga reklamo kaugnay sa overcharging at iba pang hindi magandang ginagawa ng mga tsuper sa lansangan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?