192

By

Mga underperforming school, pinabubuwag ni Villar

Kung si Senadora Cynthia Villar tatanungin, mas mainam na buwagin na lang ng Department of Education (DepEd) ang mga eskuwelahan na “underperforming’ o mababa ang kalidad ng pagtuturo.

“‘Yung mga maliliit [na schools] baka i-disband natin yun,” pahayag ni Villar sa ambush interview ng mga reporter sa Stratbase forum sa Taguig City.

Bukod diyan, pinanukala din ni Villar na bigyan ng reward o insentibo ang mga paaralan na mataas ang kalidad ng edukasyon.

“‘Yung magagaling na estudyante, ang school nila dapat may mga national exams tapos na-me-measure mo, and then yung magagaling na estudyante, bigyan natin ng reward,” anang senadora.

“Bigyan ng incentive [yung magagaling na schools] at bigyan ng disincentive yung mahihina para namang magkaroon ng wish to excel or challenged to be better,” dagdag pa nito.

Ginawa ni Villar ang pahayag kasunod na ginawang survey ng Programme for International Student Assessment (Pisa) noong 2008 kung saan ang Pilipinas ang pinakamababa sa reading comprehension at pangalawa sa pinakamahina sa mathematics and science.

Sabi ni Villar, dapat magkaroon ng contest o paligsahan kada taon para matukoy kung ano-anong mga paaralan ang pinakamagaling sa Pilipinas.

Nakakadismaya aniyang malaman na ang Pilipinas ang isa pinakakulelat na bansa pagdating sa mathematics at science gayundin sa reading comprehension.

“Okay lang na hindi naman natin ine-expect na we are the best but hindi naman kulelat. Second to the last? Medyo nakakahiya naman ‘yun,” sabi pa ni Villar.

Hindi na aniya kailangan ng isang batas kundi magkaroon lang ng polisya ang DepEd para mapaganda ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

“Ang mga principal, mga teachers they should be responsible. Dapat maging pride nila na magagaling ang mga estudyante,” ayon pa sa senadora.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?